| Wednesday, February 14, 2007 |
| Sa Araw Ng Mga Puso |
mangyari lamang ay tumayo ang mga nagmamahal nang makita ng lahat ang mukha ng pag-ibig ipamalas ang tamis ng malalim na pagkakaunawaan sa mga malabo ang paningin.
mangyari lamang na tumayo rin ang mga nagmahal at nasawi nang makita ng lahat ang mga sugat ng isang bayani ipadama ang pait ng kabiguan habang ipinagbubunyi ang walang katulad na kagitingan ng isang nagtaya.
mangyari lamang ay tumayo ang mga nangangambang magmahal nang makita ng lahat ang kilos ng isang bata ipamalas ang katapatan ng damdamin na pilit ikinukubli ng pusong lumaki sa mga engkanto’t diwata.
mangyari lamang na tumayo ang nagmahal, minahal at iniwan ngunit handa pa ring magmahal nang makita ng lahat ang yaman ng karanasan ipamalas ang katotohanang nasaksihan nang maging makahulugan ang paghagulgol sa dilim.
at sa mga nananatiling nakaupo mangyari lamang ay dahan-dahang tumalilis palabas sa nakangangang pinto umuwi na kayo! at sumbatan ang mga magulang na nagpalaki ng isang halimaw.
at sa lahat ng mga naiwang nakatayo mangyari lamang na hagkan ang isa’t isa at yakapin ang mga sugatan mabuhay tayong lahat na nagsisikapmakabalik sa ating pinagmulan manatiling masaya at higit sa lahat magpatuloy sa pagmamahal.
(Rico Abelardo) |
posted by Tami @ 10:27 AM
 |
|
|
|